Miyerkules, Setyembre 30, 2015

Wikang Filipino, Sagisag ng Pagka-Pilipino


PAGMASDAN mo ang paligid – ayan na ang makukulay na banderitas at iba pang mga kaakit-akit na dekorasyon; isang simbolo ng pagsalubong sa Buwan ng Agosto, ang Buwan ng Wikang Pambansa ng mga Pilipino. Panahon na rin ng pagkabuhay muli ng mga larong Pinoy tulad ng palosebo, piko, patintero, tumbang preso at higit sa lahat ay ang ating pambansang laro, ang sipa.
Ngunit siyempre, hindi mawawala ang salu-salo. Bibingka, suman, puto bumbong, puto’t kutsinta, dinuguan, lechon – ilan lamang ‘yan sa ating mga paboritong Pilipinong pagkain. Subalit ang tunay na bumubuo sa ating salu-salong Pilipino ay ang pagtitipun-tipon ng ating mga mahal sa buhay na kasabay nating kumain. Kahit fishball at sago’t gulaman lamang ang mapagsaluhan, basta’t nandiyan ang ating mga kapamilya at kaibigan, buong buo na ang ating pagdiriwang.
Gayunpaman, sa kabila ng mga nakaugaliang ito, ano nga ba ang dahilan ng ating paggunita sa Buwan ng Wika?
Tuwing Agosto idinaraos ang Buwan ng Wika sapagkat ito ang buwan ng kapanganakan ng Ama ng Wikang Pambansa na si Manuel L. Quezon (Ika-19 ng Agosto) na nagsulong sa paggamit ng wikang Filipino. Sa kapistahang ito, sinasalamin ang kahalagahan ng wika na nagsisilbi bilang ating pagkakakilanlan.
Ang pagkakaroon ng sariling wika ay masasabing katumbas ng pagkakaroon ng sariling mga paa dahil ito ang tumatayong instrumento upang tayo’y magkaunawaan at magkaisa, kung saan ito ang unang hakbang patungo sa kaunlaran. Kung ating babalikan ang kasaysayan ng Pilipinas, maisasalamin ang kahalagahan ng wika sa pagtatanggol ng ating mga bayani sa ating bayan para sa kasarinlan nating mga Pilipino. Kasama na rito ang pagkakaroon natin ng sariling wika na natatangi sa mga banyagang sumakop sa atin. Tunay na mahalagang maipagdiwang ang Buwan ng Wika sapagkat ito ang pagkakataon nating mga Pilipino na maipagmalaki ang sariling atin.
Datapwat hindi natin maikakaila na sa pagdaan ng panahon ay unti-unting nababawasan ang diwa ng ating pagbunyi sa buwan na ito dahil sa patuloy na paglaganap ng impluwensiya sa atin ng iba’t ibang bansa. Sa larangan ng musika at palaro, sa pagkain at pananamit, at kahit sa pananalita, litaw na litaw ang bakas ng mga dayuhan. Nakalulungkot mang isipin, madalas ay mas pinipili pa natin ang kulturang banyaga kaysa sa kultura ng Lupang Sinilangan. Subalit bilang isang mamamayang Pilipino, hindi lamang natin tuntuning payabungin ang ating kultura, sa halip ay utang na loob na rin natin ito sa Inang Bayan na ating pinagmulan at kinagisnan.
Kakatwang isipin na kailangan pa nating mga Pilipino ng okasyon para lamang tangkilikin ang ating wikang Filipino. Tila ito’y isang tumbalik tulad ng ngayo’y ipinaglalabang pagtutol sa batas ukol sa pagtatanggal ng asignaturang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo. Kung tutuusin, hindi na dapat ito nangyayari.
Sana, sa tuwing ginugunita natin ang Buwan ng Wika, ito’y magsilbing paalala sa atin na tayo’y mga Pilipino, at taas-noo nating ipagmalaki ang ating sarili, ang ating wika, ang ating bayan sa isip, sa salita at sa gawa.
“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.” – Gat. Jose Rizal

http://tomasinoweb.org/2014/blogs/wikang-filipino-sagisag-ng-pagka-pilipino.tw

Filipino, ang pambansang wikang dapat pang ipaglaban

 Ano nga ba sa Filipino ang “The square root of 4 is 2?”
 
Dito na nauwi ang usapin kung ano ang tatahaking landas ng ating wikang pambansa. Ang ganitong argumento ay tila binabandera ng mga tutol na gamitin ang Filipino sa pagtuturo, lalo na sa mga larangan ng Agham at Matematika, para palitawin na baka mauwi lang ang usapan sa katatawanan.
 
“Ang parisukat na ugat ng apat ay dalawa.”
 
Sadya ngang kakaibang pakinggan.
 
Katulad nga naman ito ng mga pagpupumilit na gamitin ang “salumpuwit” para sa upuan at “salung-suso” para sa “bra,” na para bang mangingimi kang itanong kung ano ngayon ang magiging salin ng “panty” at “brief.”  
 
May nagsasabi na ang dapat na salin ng “The square root of 4 is 2” ay “Ang skwer rut ng apat ay dalawa.”  
 
May mga purista naman na tataas ang kilay sa paraang ito ng pagsalin. Ito rin ang mga taong hindi masaya na mabasa ang mga salitang tulad ng “jornal”, “sentens”, “referens”, “iskwater”, “kompyuter”, “basketbol” at iba pang ang salin ay nanggagaling sa tunog at iniba lang ang baybay o “ispeling.”

 
Sa ganang akin, ang mas tanggap ko na salin, dahil ito ang likas at mas maiintindihan ng kausap, ay “Ang square root ng apat ay dalawa.” O kaya ay “Ang square root ng 4 ay 2,” na kung saan ang 4 ay bibigkasin na “apat” at ang 2 naman ay “dalawa.”
 
Ito ay sa dahilang ang layunin dapat ng wika ay ang magkaunawaan.
 
Naniniwala rin ako na walang saysay na isalin pa ang mga unibersal na diskurso ng Agham at Matematika.
 
Kaya labis akong naguguluhan kung bakit kailangan pang maging usapin ang salin ng mga matematikal na pangungusap, at bakit ito ay pinagkaka-abalahan lalo na ng mga laban sa paggamit ng Filipino bilang wikang panturo sa larangang teknikal katulad ng Agham at Matematika.
 
Tunay ngang nakapanlulumo na hanggang sa ngayon ay marami pa tayong pinagdaraanang hidwaan at bangayan para manahan ang isang wikang pambansa sa ating kamalayan. At mapapaisip ka lalo kapag malaman mo na ang mga pag-aalinlangan ay nakikita lamang sa mga elitistang uri, o sa mga uring intelektwal o nagpapaka-intelektwal, at hindi sa kamalayan ng ordinaryong mamamayang sanay na na manood ng TV na nasa wikang Tagalog pa nga, at hindi Filipino.
 
Ang pagtutol sa pagkakaroon ng pambansang wika ay lalong binibigyan ng bangis ng mga argumento ng mga aktibistang rehiyonalista, na nagngangalit sa di-umano ay problematikong daloy ng pagbubuo nito. Sa kanila, ang Filipino ay isang imposisyon ng imperyalistang sentro na nakabase sa Katagalugan, manyapa’t ang balangkas o struktura ng Filipino ay halaw lamang sa wikang Tagalog. Para sa kanila, malulusaw ng paggamit ng Filipino ang pagiging matatas nila sa kanilang mga rehiyonal na wika, at nakaamba ang panganib na dulot nito upang tuluyan nang burahin ang mga etnolingwistikong kaakuhan o identidad.
 
Naroon na ako. Marahil nga ay mas litaw ang mga salitang Tagalog sa kasalukuyang balangkas ng Wikang Filipino. Ito ay patunay lang siguro na sa obhetibong pagtaya, mas malawak ang gamit ng at pag-kakaunawa saTagalog. Siguro nga, ito ay epekto ng katotohanang dahil ang Maynila ang naging sentro ng kolonyal na Pamahalaan ay dito rin nagmula ang lahat ng daloy ng pagbuo ng isang kamalayan pambansa, mula sa pagtatag ng pamahalaan, sa pagpapalago ng ekonomiya, at hanggang sa pagpapalaganap ng kulturang popular.
 
Nang nasa Butuan ako, ang nakita kong babala para huwag pumarada ang mga sasakyan sa isang panig ng palengke doon ay “Bawal pumarada dito.” Nang nasa Bikol ako, kahit na ginamit ko ang Bikol Buhi para itanong sa tindera kung magkano ang maruya, na kung tawagin namin ay “sinapot,” ang sinagot sa akin ng tindera ay Tagalog. Sa buong kapuluan, aliw na aliw ang mga tao sa “Eat Bulaga” na ini-ere sa Tagalog. Pinag-usapan ang kontrobersyal na pagmamahalan ni Eric at Vincent sa “My Husband’s Lover” na bagama’t ang pamagat ay sa Ingles ay malawakang tinangkilik maging sa Kabisayaan at sa Mindanao na gamit ang Tagalog. Tumatak din sa diskurso ng ordinaryong tao ang pangangaliwa nang ipalabas ang “The Legal Wife” sa Tagalog, na ngayon ay sinundan ng “Ang Dalawang Mrs. Real” na kung saan napapanood natin na nagsasalita ng Tagalog maging ang mga karakter na dapat sana ay mga Cebuano. Wala sa ating gawain ang mag-subtitle o mag-dubbing ng mga telenovela at teleseryeng nagmumula sa mga network na nakabase sa Manila at ang gamit ay Tagalog.
 
Ito ang katotohanang pilit binabangga ng mga aktibistang rehiyonalista. Ang nakababahala ay ang hindi pagproblematisa ng mga aktibistang ito sa katotohanang kung walang wikang Filipino na gagamitin upang makapag-usap tayo lahat bilang mga mamamayan ng isang bansa, ang gagamitin natin ay ang wika ng mananakop, ang wikang kolonyal, ang Ingles.
 
At dito, mukhang naliligaw ng landas ang mga rehiyonalistang ito.  
 
Para sa kanila, tanda lamang na tunay na may gahum o “hegemony” ang Filipino, na ayon sa kanila ay isa lamang na nagbabalatkayong Tagalog, ang pagiging talamak nito sa lahat ng sulok ng ating bansa. Galit sila sa gahum ng Filipino, subali’t di nila binabanggit ang gahum ng Ingles na siya pa nilang mas gustong gamitin upang tayo lahat ay makapag-usap at magkaunawaan.
 
Subalit ang tanong ay ito: Tunay nga bang may gahum ang Filipino? 
 
Ayon kay Antonio Gramsci, nagkakaroon lamang ng gahum o “hegemony” kung merong malayang pagtanggap. Ang pagkakaroon ng puwang para sa mga aktibistang rehiyonalistang ito upang labanan ang diskurso ng Filipinisasyon ay tanda na walang malayang pagtanggap. Ang pagkakaroon ng pagkilala, maging sa ating Saligang Batas na dapat payabungin at pagyamanin ang Filipino sa pamamagitan ng iba pang wika sa Pilipinas ay malinaw na pagbubukas sa pag-angkat ng mga salita mula sa ibang rehiyon, at ito ay hindi angking kakanyahan ng isang wikang ang kapangyarihan ay ganap at nakaukit sa bato. Ang malayang paggamit ng mga rehiyonal na grupo sa kanilang mga wika, upang pagyamanin ito, na maging ang pambansang awit ay may salin na sa kani-kanilang mga wika, at may mga programa na sa lokal na himpilan ng mga TV Networks tulad ng mga balita na gamit ang mga wikang rehiyonal, ay mga patunay na walang gahum ang Filipino.
 
Paano magkakaroon ng gahum kung mismong sa larangan ng Estado, at sa mga paaralan at pamantasan ay may pagkiling pa nga para gamitin ang Ingles?
 
Paano magkakaroon ng gahum kung sa mga korte, ang mga salaysay ng mga saksi ay sa Ingles sinasalin at hindi sa Filipino?
 
May gahum ba ang isang wikang Pambansang kailangan pang paglaanan ng isang buwan, ang Agosto, para lamang ipaala-ala na meron pala tayo nito?  
 
Agosto ngayon, kaya minarapat ko na maglaan ng isang artikulo na nakasulat sa ating wika. Paano magkakaroon ng gahum kung kailangan pa ng okasyong katulad nito upang magkaroon ako ng pagkakataong maipahayag ang aking sarili na ang ginagamit ko ay ang wikang Filipino?
 
Nakalulungkot na sa panahong ito, patuloy pa rin ang pakikipaglaban para magkaroon ng lehitimong lugar sa ating kamalayan ang isang wikang matagal na nating gamit. Ito ba ang wikang may gahum?
 
Paano magkakaroon ng gahum kung patuloy na nakikipaglaban hanggang sa ngayon ang mga nagtuturo ng at nagmamahal sa wikang Filipino upang magkaroon man lang ng 3 units ito sa bagong GE na isasakatuparan sa 2016? May gahum bang matuturingan ang isang wika kung kailangan mo pang magdulog ng mga petisyon, magmartsa sa lansangan, at magbuo ng kilusan, tulad ng Tanggol Wika, upang labanan ang mga pagtatangkang burahin ito sa kurikulum ng Kolehiyo?
 
Sa mga pamantasan sa ngayon, may mga tunggaliang nangyayari na dulot ng kontrobersyal na kautusan mula sa Commission on Higher Education (CHED), ang CMO 20, na kung saan nawala sa mga kursong ipakukuha sa lahat ng mag-aaral sa Kolehiyo ang wika, bagama’t ginawang opsyon na ituro ang lahat ng mga kurso sa bagong GE sa Filipino. Tanda ba ito ng isang makapangyarihang wika na lumukob na sa kamalayan ng mga Pilipino, at may angking gahum na hindi mapasusubalian? May gahum ba ang isang wikang Pambansa nga pero ay ginawa na lamang na isang opsyon?
 
Paano magkakaroon ng gahum kung ang pagsusulat naming mga nasa Pamantasan ng mga silabus ng kursong aming itinuturo, maliban kung ito ay sa kursong Filipino, ay dapat una muna sa Ingles, at saka lang namin puwedeng isalin sa wikang Filipino? May gahum ba ang Filipino kung ang mas tanggap na midyum para ituro ang kursong “Purposive Communication” ay ang wikang Ingles? May gahum ba ang Filipino kung hindi ito ang default na wika?
 
At may gahum ba ang isang wikang ang mas lantad na pananaw ay balakid ito sa pagsulong ng ating ekonomiya, at isang sagka para tayo ay malayang makisama sa agos ng globalisasyon at integrasyon sa ASEAN?
 
May gahum ba ang Filipino samantalang ginagawa pa nga nating katatawanan kung paano isalin ang teknikal na terminong “square root”?
 
Walang gahum ang Filipino, kahit ito ang wikang Pambansa. Lagi pa rin itong nakikiusap. Lagi pa ring nitong ipinakikipaglaban ang kanyang lugar.
 
At walang gahum ang Tagalog sa Filipino, dahil bukas ang huli upang pagyamanin ito ng iba pang wika. Ang patunay pa nga na walang gahum ang Tagalog ay ang paulit-ulit ko na paggamit ng salitang “gahum” na mula sa Cebuano, bilang salin ng “hegemony.”
 
Dahil dito, hindi dapat kinatatakutan ng mga aktibistang rehiyonalista ang Filipino na siya raw bubura at lulusaw sa kanilang mga identidad.  Ang pangambang ito ay Isang hungkag na pangamba.
 
Mabubura lamang ang kaakuhan kung ito ay hahayaan. At hindi nangangahulugan na dahil ginagamit mo ang isang wika ay mawawala na ang iyong pagkatao. Kung may malay ka dito, at may kontrol ka dito, hindi ito mabubura. Ito dapat ang pinagkakaabalahan ng mga aktibistang rehiyonalista, ang pagyamanin ang kani-kanilang mga wika, kultura at kamalayan, kasabay ng pagtangkilik sa pagpalaganap ng isang wikang pambansang sa ngayon ay maaaring ang dominanteng hulmahan ay ang Tagalog, subalit bukas sa pagpasok ng iba pang mga wika upang ito ay mapagyaman at mapayabong.  
 
At ito rin ang dahilan kung bakit dapat patuloy na ipagtanggol ang Wikang Filipino, at panatilihing buhay ang kamalayang iugnay ito sa ating paghubog ng ating mga Iba’t-ibang identidad. Ito lamang ang sisiguro na hindi malulusaw ang wika ng mga Pilipino sa mukha ng talamak na pagtangkilik sa Ingles.  
 
Dapat pa ngang makipagtulungan ang mga aktibistang rehiyonalista sa labang ito, dahil sa iisang panig lang lahat tayo. Malinaw na kapag mawalan ng lugar ang wikang Filipino sa pagbubuo ng kamalayang pambansa, mawawalan din ng lugar ang mga wikang rehiyonal na makapag-ambag sa kabuuan ng kamalayang ito. Sa isang sistemang global, mawawala at lalamunin tayo sa ating pagkawatak-watak.
 
Sa kalaunan, hindi naman talaga ang Ingles ang kaaway. Hindi dahil ginagamit ang Ingles ay mabubura na ang Filipino.  
 
Ang kaaway ay ang mga puwersang nananahan sa puso at isipan ng maraming Pilipino, na ang iba ay may mga hawak pa nga na posisyon, sa pamahalaan man o sa pamantasan, na lumilikha ng mga balakid at pumipigil sa pagpapanatili ng Filipino sa kamalayan ng Pilipino. Ito ang mga taong pinipilit papiliin ang Pilipino na mag-Ingles o mag-Filipino, samantalang ang nararapat ay palawakin ang kamalayang Filipino sa mga Pilipino upang kahit matatas tayong magsalita ng Ingles ay mananatili tayong matatas magsalita sa Filipino at kung anumang rehiyonal nating mga wika.

MGA WIKA AT DYALEKTO SA PILIPINAS

MGA WIKA AT DYALEKTO SA PILIPINAS




Wika/Dyalekto Kung Saan Sinasalita

(Language/Dialect) (Where Spoken)

1. AGTA, Alabat Island Silangang Lalawigan ng Quezon,

(Alabat Island Dumagat) Luzon

2. AGTA, Camarines Norte Luzon, Santa Elena at Labo,

(Manide, Agiyan) Camarines Norte

3. AGTA, Sentral Cagayan Hilagang Silangan ng Luzon

(Central Cagayan Dumagat)

4. AGTA, Dicamay Luzon, Isabela (malapit sa Jones)

(Dicamay Dumagat)

5. AGTA, Silangang Cagayan Hilagang Silangang Luzon, Timog

Davilacan Bay at Palaui Island sa

Hilaga

6. AGTA, Isarog Mt. Isarog, Silangang Lunsod ng

Naga, Lalawigan ng Bikol; Luzon

7. AGTA, Kabuluwen Lalawigan ng Quezon; Luzon

(Ditayun Alta, Ditayun Dumagat)

8. AGTA, Mt. Iraya Silangang Lake Buhi, Lalawigan ng

(Inagta ng Mt. Iraya, Rugnot ng Bikol; Luzon

Silangang Lake Buhi, Itbeg

Rugnot)

9. AGTA, Mt. Iriga Silangang Lunsod ng Iriga,

(San Ramon Inagta, Kanlurang Kanlurang Lake Buhi, Mga

Lake Buhi, Mt. Iriga Negrito) Lalawigan ng Bikol; Luzon

10. AGTA, Remotado Luzon; Santa Inez, Lalawigan ng

(Hatang-Kayey) Rizal Paimouhan, Gen. Nakar,

Quezon

11. AGTA, Villaviciosa Luzon, Lalawigan ng Abra

12. AGUTAYNON Hilagang mga lalawigan ng Cuyo,

Palawan

13. AKLANON Lalawigan ng Aklan, pahilagang

(Aklan, Panay) Panay

14. ALANGAN Hilagang Sentral ng Mindoro

15. AMBALA Luzon; Lalawigan ng Bataan

16. ATA Mabinay, Negros Oriental

17. ATI Pulo ng Panay, Maliit na pangkat sa

lahat ng lalawigan

18. ATTA, Faire Malapit sa Faire, Rizal, Lalawigan

(Katimugang Alta) ng Cagayan; Luzon

19. ATTA, Pamplona Hilagang Kanluranin ng Lalawigan

(Kahilagaang Cagayan Negrito) ng Cagayan; Luzon

20. ATTA, Pudtol Pudtol, Kalinga-Apayao; Luzon

21. AYTA, Mariveles Mariveles, Bataan; Luzon

22. AYTA, Tayabas Tayabas, Quezon; Luzon

23. BAGOBO Lunsod ng Davao, Mindanao;

(Jangan, Giangan, Gvanga Silangang Dahilig ng Mt. Apo,

Gulanga) Davao del Sur

24. BALANGAO Silanganing Lalawigan Bontoc;

(Balangao Bontoc, Gulanga) Luzon

25. BALOGA Floridablanca, Pampanga; Luzon

26. BANTUANON Banton, Simara, Maestro de Ocampo

(Banton, Odionganon, at mga pulo ng Tablas, Romblon,

Sibalenhon) sa pagitan ng Masbate at Mindoro

27. BATAGNON Dulong Katimugan ng Mindoro

28. BATAK Palawan

(Babuyan, Tinitianes,

Palawan Batak)

29. BIKOLANO, Albay Kanluraning Lalawigan Albay at

Buhi, Camarines Sur; Luzon

30. BIKOLANO, Central Katimugang Catanduanes,

(Bicol) Kahilagaang Sorsogon, Albay,

Camarines Norte at Sur; Luzon

31. BIKOLANO, Iriga Lunsod ng Iriga, Baao, Nabua,

(Riconada, Bicolano) Bato, Camarines Sur; Luzon

32. BIKOLANO, Kahilagaang Luzon; Kahilagaang Catanduanes,

Catanduanes Silangang Bicol

33. BIKOLANO, Katimugang Luzon; Katimugang Silangang Bikol

Catanduanes

34. BINUKID Hilagang Sentral Mindanao,

(Binukid Manobo) Katimugang Bukidnon, hilagang

silangang Cotabato, Agusan del Sur

35. BLAAN, Koronadala Lalawigan ng Timog Cotabato,

(Koronadal Bilaan, Bilanes, Mindoro

Biraan, Baraan, Tagalgad)

36. BLAAN, Saranggani Lalawigan sa Timog Cotabato,

(Bilaan, Balud, Tumanao) Saranggani Peninsula; Mindanao

37. BOLINAO Lalawigan sa Kanlurang

(Bolinao Sambal, Bolinao Pangasinan; Luzon

Zambal)



38. BONTOC, Sentral Bulubunduking Lalawigang Sentral;

(Igorot) Luzon

39. BONTOC, Silanganin Bulubunduking Lalawigang Sentral;

(Katimugang Bontoc, Luzon

Kadaklan-Barlig Bontoc)

40. BUHID Katimugang Mindoro

(Bukil, Bangon)



41. BUTUANON Lunsod ng Butuan, Mindanao

42. CALUYANUN Mga pulo ng Caluyan, Antique

(Caluynanen, Caluyanyon)

43. CAPIZNON Hilagang-Silanganing Panay

(Capisano, Capiseno)

44. CEBUANO Negros, Cebu, Bohol Visayas at mga

(Sugbuhanon, Mindanao bahagi ng Mindanao

Visayan, Visayan, Sebuano)



45. CHAVACANO Naninirahang Kastilang Creole sa

(Zamboangeño, Chabakano) Mindanao

46. CUYONON Baybaying dagat ng Palawan, mga

(Cuyono, Cuyunon, Cuyo, pulo ng Cuyo a pagitan ng Palawan

Kuyunon) at Panay

47. DAVAWENO Batayang Kastilang Creole sa

(Matino, Davaono) Mindanao

48. DAVAWENO ZAMBOANGENO Davao Oriental, Davao del Sur,

Mindanao

49. DUMAGAT, Casiguran Baybaying dagat Silangan ng Luzon;

(Casiguran Agta) hilagang lalawigan ng Quezon

50. DUMAGAT, Umiray Lalawigan ng Quezon; Luzon

(Umirey Dumagat, Umiray Agta)

51. FILIPINO Pambansang Wika ng Pilipinas

52. GA'DANG Silanganing Lalawigang

(Gaddang) Bulubundukin, Katimugang Isabela,

Nueva Viscaya; Luzon

53. HANONOO Katimugang Oriental Mindoro

(Hanunoo)

54. HILIGAYNON Iloilo, Capiz, Panay, Negros

(Ilonggo) Occidental, Visayas

55. IBALOI Sentral at Katimugang Lalawigang

(Inibalo, Nabaloi, Benguet-Igorot, Benguet, Kanluraning lalawigan ng

Igodor) Nueva Viscaya; Luzon

56. IBANAG Isabela at Cagayan; Luzon

57. IBATAAN Babuyan Island, hilagang Luzon

(Babuyan, Ibatan, Ivatan)

58. IFUGAO, Amganad Ifugao, Luzon

59. IFUGAO, Batad Ifugao, Luzon

60. IFUGAO, Kiangan Ifugao, Luzon

(Gilipanes, Quiangan)

61. ILOCANO Hilagang-kanluranin ng Luzon,

(Iloko, Ilokano) La Union at mga lalawigan ng

Ilocos, Cagayan Valley, Babuyan,

Mindoro, Mindanao

62. ILONGOT Silanganing Nueva Vizcaya,

(Bugkalut, Bukalot, Lingotes) Kanluraning Quirino; Luzon

63. INGLES Isa sa pangalawang wika ng

Pilipinas

64. IRAYA Kahilagaang Mindoro

65. ISINAI, Insinai Luzon, Bambang, Dupax at Aritao,

(Isinay, Inmeas) Nueva Vizcaya

66. ISNAG Kahilagaang Apayao, Luzon

(Dibagat-Kabugao-Isneg, Isneg)

67. ITAWIT Luzon; Katimugang Cagayan

(Itawit, Tawit, Itawes)

68. ITNEG, Adasen Hilagang-silangan ng Abra

(Addasen Tinguian)

69. ITNEG, Binongan Ba-ay Valley at Licuan, Abra; Luzon

(Tinguian)

70. ITNEG, Masadiit Sallapadan at Bucloc, Abra; Luzon

71. ITNEG, Katimugan Luzon, Katimugang lalawigan ng

(Lubo-Tiempo Itneg) Abra

72. IVATAN Basco, Mga pulo ng Batanes

(Basco Ivatan)

73. IWANK Naninirahan sa sumusunod na

(I-wak) lugar: Tojongan, Bakes, Lebeng,

Chimulpus, Kayo-ko, Salaksak

(Kayapa) at Kalayuang silangang

Itogon, Lalawigan ng Benguet; Luzon

74. KAGAYANEN Pulo ng Cagayan, Baybaying Dagat

(Cagayano Cillo) ng Palawan sa Pagitan ng Negros at

Palawan

75. KALAGAN Sa kahabaan ng silangan at

kanlurang baybaying dagat ng

Davao del Sur at Davao Oriental

76. KALAGAN, Kagan Lunsod ng Davao, Mindanao

(Kaagan, Kagan, Kalagan)

77. KALAGAN, Tagakaulu Katimugang Mindanao

(Tagakaolo)

78. KALINGA, Butbut Luzon; Butbut, Tinglayan,

Kalinga-Apayao

79. KALINGA, Guinaang Silanganing Abra at

Kalinga-Apayao, Luzon

80. KALINGA, Limos Luzon, Kalinga-Apayao

81. KALINGA, Mabaka Valley Luzon, Timog-Silangang

(Mabaka Itneg, Kal-uwan) Kalinga-Apayao

82. KALINGA, Madukayang Katimugang lalawigang

Bulubundukin, Luzon

83. KALINGA, Southern Katimugang Kalinga-Apayao, Luzon

(Sumadel-Tinglayan, Kalinga)

84. KALINGA, Tanudan Katimugang Kalainga-Apayao,

Luzon

85. KALLAHAN, Kayapa Kanluraning Nueva Viscaya

(Kalangoya, Kalanguyya, Kalkali)

86. KALLAHAN, Keley-1 Napayo, Kiangan, Ifugao

(Antipolo Ifugao)

87. KAMAYO Surigao del Sur, sa pagitan ng

Marihatag at Lingig, Mindanao

88. KANKANAEY Kahilagaang Lalawigan ng Benguet,

(Sentral Kankanaey, Kankanai, Timog kanluranin ng lalawigang

Kankanay) Bulubundukin, Timog-Silangan ng

Ilocos Sur, hilagang silangan ng La

Union, Luzon

89. KANKANAY, Kahilagaan Kanluraning lalawigang

(Sagada Igorot, Kanluraning Bulubundukin, Timog Silangang

Bontoc) Ilocos Sur, Luzon

90. KARAO Karao, Bokod, lalawigan ng Benguet,

Luzon

91. KAROLANOS Sentral ng Pilipinas

92. KASIGURAN Casiguran, Quezon; Luzon

93. KINARAY-A Mga lalawigan ng Antique,

(Hinaray-a, Karay-a, Antiqueno, Kanluraning Panay

Hamtinon)

94. LOOCNON Katimugang pulo ng Tabias

95. MAGAHAT Timog-Kanluraning negros, Mt.

(Bukidnon, Ata-Man) Amiyo malapit sa Bayawari

96. MAGINDANAON Maguindanao; Iranum,

(Magindanao, Magindana) Maguindanao; Hilagangn Cotabato,

Timog Cotabato, Sultan Kudarat at

Zamboanga del Sur, Iranum sa

Bukidnon; Mindanao

97. MALAYNON Malay, Hilagang-kanluranin ng

Aklan, Panay (kapatagan)

98. MAMANWA Agusan del Norte at Surigao,

(Mamanwa Negrito, Mindanao

Minamanwa, Mamanwa

Sambal)



99. MANDAYA, Cataelano Davao Oriental, Mindanao

100. MANDAYA, Karaga Davao Oriental, Mindanao

(Manay Mandayan,

Mangaragan, Mandaya)



101. MANDAYA, Sangad Mindanao

102. MANOBO, Agusan Mindanao, Hilagang Kanluraning

Davao

103. MANOBO, Ata Agusan del Norte, Agusan del Sur,

(Ata ng Davao) Mindanao

104. MANOBO, Cotabato Timog Cotabato, Mindanao

105. MANOBO, Dibabawon Manguagan, Davao del Norte,

(Mandaya, Dibabaon, Mindanao

Debabaon)



106. MANOBO, Ilianen Kahilagaang Cotabato, Mindanao

107. MANOBO, Matig-Salug Davao del Norte, Timog-silangang

Bukidnon, Mindanao

108. MANOBO, Obo Sa pagitan ng Davao del Sur at

(Obo Bagobo, Bagobo, Hilagang Cotabato, Mindanao

Kidapawan Manobo)

109. MANOBO, Rajah Kabungsuan Katimugang Surigao del Sur

110. MANOBO, Saranggani Katimugan at Silangang Davao,

Mindanao

111. MANOBO, Tagabawa Katimugang Surigao del Sur

112. MANOBO, Kanluraning Mindanao, Lunsod ng Davao,

Bukidnon Dalisid ng Mt. Apo

113. MANOBO Silangang Davao at mga lalawigan

(Mandaya Mansaka) ng Davao Oriental

114. MARANAO Silangang Davao at mga lalawigan

(Ranao, Maranaw) ng Davao Oriental

115. MASBATEÑO Kasama ang Sorsogon, Masbate at

(Minasbate) tatlong pulo

116. MOLBOG Pulo ng Balabas, Katimugang

Palawan

117. PALAWANO, Brooke's Point Timog Silangang Palawan

118. PALAWANO, Sentral Kasama ang Timog Kanlurang

(Quezon Palawano, Palawanen) Palawano, Katimugang Palawan

119. PALAWANO, Timog Kanluran Timog Kanlurang Palawan mula sa

Canipaan hanggang Canduaga

120. PAMPANGAN Pampanga, Tarlac, at Bataan; Luzon

(Pampango)

121. PANGASINAN Pangasinan; Luzon

122. PARANAN Silangang baybaying dagat, Isabela,

(Palanenyo) Luzon, napapaligiran ng bundok

123. POROHANON Mga pulo ng Camotes

(Camotes)

124. ROMBLOMANON Romblon at mg pulo ng Sibuyan

(Romblon) bahagi ng Silangang pulo ng Tablas,

Hilagang Panay

125. SAMA, Abaknon Capul Island na katabi ng San

(Abaknon, Inbaknon, Capul, Bernardino Strait, Hilangang

Capuleño) Kanlurang Samar

126. SAMA, Balangingi Kapuluran ng Sulu sa hilagang

(Baangingi; Kahilagaang silangang Jolo, baybaying dagat ng

Sinama) Zamboanga, Kanluraning Mindanao

127. SAMA, Sentral Sulu, baybaying dagat ng Sabah,

(Siasi Sama, Sentral Sinama) kalapit ng Malaysia

128. SAMA, Mapun Cagayan de Sulu at Palawan, gayon

(Cagayan de Sulu, Jama din sa Sabah, kalapit ng Malaysia

Mapun, Cagayanon)



129. SAMA, Pangutaran Kanlurang Sentral ng Sulu,

Kanlurang Jolo; Mindanao

130. SAMA, Katimugan Mga kapuluang sumusunod sa

Borneo Katimugang Sulu, mga

pangkat at Tawi-Tawi; Simunul,

Sibulu, at iba pang pangunahing

pulo

131. SAMBAL, Botolan Sentral Luzon, Zambales

(Aeta Negrito, Botolan Zambal)

132. SAMBAL, Tina Kahilagaang Zambales, Luzon

(Tino)

133. SANGIHE Indonesia, mga pulo ng Balut labas

(Sangil, Singerese) ng Mindanao

134. SANGIRE Pulo ng Balut, labas ng Mindanao

(Snagil, Singgil)

131. SAMBAL, Botolan Sentral Luzon, Zambales

(Aeta Negrito, Botolan Zambal)

132. SAMBAL, Tina Kahilagaang Zambales, Luzon

(Tino)

133. SANGIHE Indonesia, mga pulo ng Balut labas

(Sangil, Singerese) ng Mindanao

134. SANGIRE Pulo ng Balut, labas ng Mindanao

(Snagil, Singgil)

139. SUBANUN, Lapuyan Mga Sub-peninsula ng Sulu sa

(Lapuyen, Margosatubig) Silangang Zamboanga del Sur,

Mindanao

140. SUBANUN, Sindangan Silangang Peninsula ng Mindanao,

Kapuluan ng Sulu, Mindanao

141. SULOD Tapaz, Capiz, Lambunao, Iloilo,

(Bukidnon Mondo) Valderama, Antique, Panay

142. SURIGAONON Surigao, Carrascal, Cantilan, Madrid,

Larosa

143. TADYAWAN Silangang Sentral Mindoro

(Pula, Tadianan, Balaban)

144. TAGALOG Katimugang Luzon, kasama ang

Kalakihang Maynila (Metropolitan

Manila), Bulacan, Cavite, Rizal,

Batangas, Laguna, mga bahagi ng

Quezon, ilang lugar sa Palawan,

Mindoro, Masbate, Bataan

145. TAGBANWA, Aborlan Palawan, kasama ng Lamane

(Apurahuano, Tagbanwa)

146. TAGBANWA, Calamian Pulo ng Colon, Hilagang Palawan

(Kalamian, Calamiano, at Busuanga; Baras, silangang

Kalamianon) baybay-dagat ng Palawan, katapat

ng Pulo ng Dumaras

147. TAGBANWA, Sentral Kahilagaang Palawan

148. TAUSUG Jolo, Kapuluan ng Sulu

(Taw Sug, Sulu, Suluk, Tausug,

Moro, Joloano)

149. TAWBUID Sentral Mindoro

(Bangon, Batangan, Tabuid,

Piron, Suri, Barangan,

Binatangan)

150. T'BOLI Timog Cotabato, Mindanao

(Tibolo, Tagabili)

151. TIRURAY Upi, Cotabato, Mindanao

(Tirurai, Teduray)

152. WARAY-WARAY Kahilagaaan sa silanganang

(Samareño, Samaran, Samar-Leyte

Samar-Leyte, Waray)

153. YAKAN Kapuluan ng Sulu, Pulo ng Basilan,

(Yacaves) Kanluraning Mindanao


154. YOGAD Echague, Isabela; Luzon
Wikang Filipino



Ang wikang Filipino ang pambansang wika at isa sa mga opisyal na wika ng Pilipinas—ang Inggles ang isa pa—ayon sa Saligang Batas ng 1987. Isa itong wikang Awstronesyo at ang de facto  ("sa katotohanan") na pamantayang bersyon ng wikang Tagalog, bagaman de jure  ("sa prinsipyo") itong iba rito. Noong 2007, ang wikang Filipino ay ang unang wika ng 28 milyon na tao, o mahigit kumulang isang-katlo ng populasyon ng Pilipinas. 45 milyon naman ang nagsasabing ikalawang wika nila ang wikang Filipin. Ang wikang Filipino ay isa sa mga 185 na wika ng Pilipinas na nasa Ethnologue. Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino, ang wikang Filipino ay "ang katutubong wika, pasalita at pasulat, sa Kalakhang Maynila, ang Pambansang Punong Rehiyon, at sa iba pang sentrong urban sa arkipelago, na ginagamit bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo." Ang gustong makamit ng wikang Filipino ay ang pagiging pluricentric language, o ang wikang may iba't ibang bersyon depende sa lugar na kung saan ito'y ginagamit.  May mga "lumilitaw na ibang uri ng Filipino na hindi sumusunod sa karaniwang balarila ng Tagalog" sa Davao  at Cebu, na bumubuo sa tatlong pinakamalaking metropolitanong lugar sa Pilipinas kasama ng Kalakhang Maynila.

Noong 13 Nobyembre 1936, inilikha ng unang Pambansang Asemblea ang Surian ng Wikang Pambansa, na pinili ang Tagalog bilang batayan ng isang bagong pambansang wika. Naimpluwensiyahan ang pagpili sa Tagalog ng mga sumusunod:

   1. Sinasalita ang Tagalog ng napakaraming tao at ito ang wikang pinakanauunawaan sa lahat ng mga rehiyon ng Pilipinas. Papadaliin at pabubutihin nito ang komunikasyon sa mga taumbayan ng kapuluan.
   2. Hindi ito nahahati sa mga mas maliliit at hiwa-hiwalay na wika, tulad ng Bisaya.
   3. Ang tradisyong pampanitikan nito ang pinakamayaman at ang pinakamaunlad at malawak (sinasalamin ang dyalektong Toskano ng Italyano). Higit na mararaming aklat ang nakasulat sa Tagalog kaysa iba pang mga katutubong wikang Awstronesyo.
   4. Ito ang wika ng Maynila, ang kabiserang pampolitika at pang-ekonomiya ng Pilipinas.
   5. Ito ang wika ng Himagsikan at ng Katipunan—dalawang mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas.
Noong 1959, nakilala ang wikang ito bilang Pilipino upang mahiwalay ang kaugnayan nito sa mga Tagalog. Nagtakda naman ang Saligang Batas ng 1973 ng panibagong pambansang wikang papalit sa Pilipino, isang wikang itinawag nitong Filipino. Hindi binanggit sa artikulong tumutukoy, Artikulo XV, Seksiyon 3(2), na Tagalog/Pilipino ang batayan ng Filipino; nanawagan ito sa halip sa Pambansang Asamblea na mag-“take steps towards the development and formal adoption of a common national language to be known as Filipino.” Gayundin, nilaktawan ng Artikulo XIV, Seksiyon 6, ng Saligang Batas ng 1987, na ipinagbisa matapos ng pagpapatalsik kay Ferdinand Marcos, ang anumang pagbabanggit ng Tagalog bilang batayan ng Filipino at mismong ipinagpatuloy na “as [Filipino] evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages (pagbibigay-diin idinagdag).” Tiniyak pa ng isang resolusyon[11] ng 13 Mayo 1992, na ang Filipino “ang katutubong wika, pasalita at pasulat, sa Metro Manila, ang Pambansang Punong Rehiyon, at sa iba pang sentrong urban sa arkipelago, na ginagamit bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo (pagbibigay diin idinagdag).” Gayumpaman, tulad ng mga Saligang Batas ng 1973 at 1987, hindi nito ginawang kilalanin ang wikang ito bilang Tagalog at, dahil doon, ang Filipino ay, sa teoriya, maaaring maging anumang katutubong wikang Awstronesyo, kasama na ang Sugboanon ayon sa paggamit ng mga taga-Kalakhang Cebu at Davao. Ididineklara ang buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wikang Pambansa


Bagaman naitakda na sa Saligang Batas at mga kaugnay na batas ang sariling katangian ng Filipino, may nananatili pa ring mga alternatibong panukala sa kung ano dapat ang maaging katangian ng wikang Filipino. Gayumpaman, nararapat itong maibukod sa mga nagdaraing lamang na, sa kasalukuyan, ang Filipino ay de facto na iisa sa Tagalog at na ang pampublikong paggamit ng Filipino ay sa katotohanan ang paggamit ng Tagalog.