Filipino, ang pambansang wikang dapat pang ipaglaban
Ano nga ba sa Filipino ang “The square root of 4 is 2?”
Dito na nauwi ang usapin kung ano ang tatahaking landas ng
ating wikang pambansa. Ang ganitong argumento ay tila binabandera ng
mga tutol na gamitin ang Filipino sa pagtuturo, lalo na sa mga larangan
ng Agham at Matematika, para palitawin na baka mauwi lang ang usapan sa
katatawanan.
“Ang parisukat na ugat ng apat ay
dalawa.”
Sadya ngang kakaibang pakinggan.
Katulad nga naman ito ng mga pagpupumilit na gamitin ang
“salumpuwit” para sa upuan at “salung-suso” para sa “bra,” na para bang
mangingimi kang itanong kung ano ngayon ang magiging salin ng “panty” at
“brief.”
May nagsasabi na ang dapat na salin
ng “The square root of 4 is 2” ay “Ang skwer rut ng apat ay dalawa.”
May mga purista naman na tataas ang kilay sa paraang ito
ng pagsalin. Ito rin ang mga taong hindi masaya na mabasa ang mga
salitang tulad ng “jornal”, “sentens”, “referens”, “iskwater”,
“kompyuter”, “basketbol” at iba pang ang salin ay nanggagaling sa tunog
at iniba lang ang baybay o “ispeling.”
Sa ganang
akin, ang mas tanggap ko na salin, dahil ito ang likas at mas
maiintindihan ng kausap, ay “Ang square root ng apat ay dalawa.” O kaya
ay “Ang square root ng 4 ay 2,” na kung saan ang 4 ay bibigkasin na
“apat” at ang 2 naman ay “dalawa.”
Ito ay sa
dahilang ang layunin dapat ng wika ay ang magkaunawaan.
Naniniwala rin ako na walang saysay na isalin pa ang mga unibersal na
diskurso ng Agham at Matematika.
Kaya labis
akong naguguluhan kung bakit kailangan pang maging usapin ang salin ng
mga matematikal na pangungusap, at bakit ito ay pinagkaka-abalahan lalo
na ng mga laban sa paggamit ng Filipino bilang wikang panturo sa
larangang teknikal katulad ng Agham at Matematika.
Tunay ngang nakapanlulumo na hanggang sa ngayon ay marami pa tayong
pinagdaraanang hidwaan at bangayan para manahan ang isang wikang
pambansa sa ating kamalayan. At mapapaisip ka lalo kapag malaman mo na
ang mga pag-aalinlangan ay nakikita lamang sa mga elitistang uri, o sa
mga uring intelektwal o nagpapaka-intelektwal, at hindi sa kamalayan ng
ordinaryong mamamayang sanay na na manood ng TV na nasa wikang Tagalog
pa nga, at hindi Filipino.
Ang pagtutol sa
pagkakaroon ng pambansang wika ay lalong binibigyan ng bangis ng mga
argumento ng mga aktibistang rehiyonalista, na nagngangalit sa di-umano
ay problematikong daloy ng pagbubuo nito. Sa kanila, ang Filipino ay
isang imposisyon ng imperyalistang sentro na nakabase sa Katagalugan,
manyapa’t ang balangkas o struktura ng Filipino ay halaw lamang sa
wikang Tagalog. Para sa kanila, malulusaw ng paggamit ng Filipino ang
pagiging matatas nila sa kanilang mga rehiyonal na wika, at nakaamba ang
panganib na dulot nito upang tuluyan nang burahin ang mga
etnolingwistikong kaakuhan o identidad.
Naroon
na ako. Marahil nga ay mas litaw ang mga salitang Tagalog sa
kasalukuyang balangkas ng Wikang Filipino. Ito ay patunay lang siguro na
sa obhetibong pagtaya, mas malawak ang gamit ng at pag-kakaunawa
saTagalog. Siguro nga, ito ay epekto ng katotohanang dahil ang Maynila
ang naging sentro ng kolonyal na Pamahalaan ay dito rin nagmula ang
lahat ng daloy ng pagbuo ng isang kamalayan pambansa, mula sa pagtatag
ng pamahalaan, sa pagpapalago ng ekonomiya, at hanggang sa
pagpapalaganap ng kulturang popular.
Nang nasa
Butuan ako, ang nakita kong babala para huwag pumarada ang mga sasakyan
sa isang panig ng palengke doon ay “Bawal pumarada dito.” Nang nasa
Bikol ako, kahit na ginamit ko ang Bikol Buhi para itanong sa tindera
kung magkano ang maruya, na kung tawagin namin ay “sinapot,” ang sinagot
sa akin ng tindera ay Tagalog. Sa buong kapuluan, aliw na aliw ang mga
tao sa “Eat Bulaga” na ini-ere sa Tagalog. Pinag-usapan ang
kontrobersyal na pagmamahalan ni Eric at Vincent sa “My Husband’s Lover”
na bagama’t ang pamagat ay sa Ingles ay malawakang tinangkilik maging
sa Kabisayaan at sa Mindanao na gamit ang Tagalog. Tumatak din sa
diskurso ng ordinaryong tao ang pangangaliwa nang ipalabas ang “The
Legal Wife” sa Tagalog, na ngayon ay sinundan ng “Ang Dalawang Mrs.
Real” na kung saan napapanood natin na nagsasalita ng Tagalog maging ang
mga karakter na dapat sana ay mga Cebuano. Wala sa ating gawain ang
mag-subtitle o mag-dubbing ng mga telenovela at teleseryeng nagmumula sa
mga network na nakabase sa Manila at ang gamit ay Tagalog.
Ito ang katotohanang pilit binabangga ng mga aktibistang rehiyonalista.
Ang nakababahala ay ang hindi pagproblematisa ng mga aktibistang ito sa
katotohanang kung walang wikang Filipino na gagamitin upang
makapag-usap tayo lahat bilang mga mamamayan ng isang bansa, ang
gagamitin natin ay ang wika ng mananakop, ang wikang kolonyal, ang
Ingles.
At dito, mukhang naliligaw ng landas ang
mga rehiyonalistang ito.
Para sa kanila,
tanda lamang na tunay na may gahum o “hegemony” ang Filipino, na ayon sa
kanila ay isa lamang na nagbabalatkayong Tagalog, ang pagiging talamak
nito sa lahat ng sulok ng ating bansa. Galit sila sa gahum ng Filipino,
subali’t di nila binabanggit ang gahum ng Ingles na siya pa nilang mas
gustong gamitin upang tayo lahat ay makapag-usap at magkaunawaan.
Subalit ang tanong ay ito: Tunay nga bang may gahum ang
Filipino?
Ayon kay Antonio Gramsci, nagkakaroon
lamang ng gahum o “hegemony” kung merong malayang pagtanggap. Ang
pagkakaroon ng puwang para sa mga aktibistang rehiyonalistang ito upang
labanan ang diskurso ng Filipinisasyon ay tanda na walang malayang
pagtanggap. Ang pagkakaroon ng pagkilala, maging sa ating Saligang Batas
na dapat payabungin at pagyamanin ang Filipino sa pamamagitan ng iba
pang wika sa Pilipinas ay malinaw na pagbubukas sa pag-angkat ng mga
salita mula sa ibang rehiyon, at ito ay hindi angking kakanyahan ng
isang wikang ang kapangyarihan ay ganap at nakaukit sa bato. Ang
malayang paggamit ng mga rehiyonal na grupo sa kanilang mga wika, upang
pagyamanin ito, na maging ang pambansang awit ay may salin na sa
kani-kanilang mga wika, at may mga programa na sa lokal na himpilan ng
mga TV Networks tulad ng mga balita na gamit ang mga wikang rehiyonal,
ay mga patunay na walang gahum ang Filipino.
Paano magkakaroon ng gahum kung mismong sa larangan ng Estado, at sa mga
paaralan at pamantasan ay may pagkiling pa nga para gamitin ang Ingles?
Paano magkakaroon ng gahum kung sa mga korte, ang mga
salaysay ng mga saksi ay sa Ingles sinasalin at hindi sa Filipino?
May gahum ba ang isang wikang Pambansang kailangan pang
paglaanan ng isang buwan, ang Agosto, para lamang ipaala-ala na meron
pala tayo nito?
Agosto ngayon, kaya minarapat
ko na maglaan ng isang artikulo na nakasulat sa ating wika. Paano
magkakaroon ng gahum kung kailangan pa ng okasyong katulad nito upang
magkaroon ako ng pagkakataong maipahayag ang aking sarili na ang
ginagamit ko ay ang wikang Filipino?
Nakalulungkot na sa panahong ito, patuloy pa rin ang pakikipaglaban para
magkaroon ng lehitimong lugar sa ating kamalayan ang isang wikang
matagal na nating gamit. Ito ba ang wikang may gahum?
Paano magkakaroon ng gahum kung patuloy na nakikipaglaban hanggang sa
ngayon ang mga nagtuturo ng at nagmamahal sa wikang Filipino upang
magkaroon man lang ng 3 units ito sa bagong GE na isasakatuparan sa
2016? May gahum bang matuturingan ang isang wika kung kailangan mo pang
magdulog ng mga petisyon, magmartsa sa lansangan, at magbuo ng kilusan,
tulad ng Tanggol Wika, upang labanan ang mga pagtatangkang burahin ito
sa kurikulum ng Kolehiyo?
Sa mga pamantasan sa
ngayon, may mga tunggaliang nangyayari na dulot ng kontrobersyal na
kautusan mula sa Commission on Higher Education (CHED), ang CMO 20, na
kung saan nawala sa mga kursong ipakukuha sa lahat ng mag-aaral sa
Kolehiyo ang wika, bagama’t ginawang opsyon na ituro ang lahat ng mga
kurso sa bagong GE sa Filipino. Tanda ba ito ng isang makapangyarihang
wika na lumukob na sa kamalayan ng mga Pilipino, at may angking gahum na
hindi mapasusubalian? May gahum ba ang isang wikang Pambansa nga pero
ay ginawa na lamang na isang opsyon?
Paano
magkakaroon ng gahum kung ang pagsusulat naming mga nasa Pamantasan ng
mga silabus ng kursong aming itinuturo, maliban kung ito ay sa kursong
Filipino, ay dapat una muna sa Ingles, at saka lang namin puwedeng
isalin sa wikang Filipino? May gahum ba ang Filipino kung ang mas
tanggap na midyum para ituro ang kursong “Purposive Communication” ay
ang wikang Ingles? May gahum ba ang Filipino kung hindi ito ang default
na wika?
At may gahum ba ang isang wikang ang
mas lantad na pananaw ay balakid ito sa pagsulong ng ating ekonomiya, at
isang sagka para tayo ay malayang makisama sa agos ng globalisasyon at
integrasyon sa ASEAN?
May gahum ba ang Filipino
samantalang ginagawa pa nga nating katatawanan kung paano isalin ang
teknikal na terminong “square root”?
Walang
gahum ang Filipino, kahit ito ang wikang Pambansa. Lagi pa rin itong
nakikiusap. Lagi pa ring nitong ipinakikipaglaban ang kanyang lugar.
At walang gahum ang Tagalog sa Filipino, dahil bukas ang
huli upang pagyamanin ito ng iba pang wika. Ang patunay pa nga na walang
gahum ang Tagalog ay ang paulit-ulit ko na paggamit ng salitang “gahum”
na mula sa Cebuano, bilang salin ng “hegemony.”
Dahil dito, hindi dapat kinatatakutan ng mga aktibistang rehiyonalista
ang Filipino na siya raw bubura at lulusaw sa kanilang mga identidad.
Ang pangambang ito ay Isang hungkag na pangamba.
Mabubura lamang ang kaakuhan kung ito ay hahayaan. At hindi
nangangahulugan na dahil ginagamit mo ang isang wika ay mawawala na ang
iyong pagkatao. Kung may malay ka dito, at may kontrol ka dito, hindi
ito mabubura. Ito dapat ang pinagkakaabalahan ng mga aktibistang
rehiyonalista, ang pagyamanin ang kani-kanilang mga wika, kultura at
kamalayan, kasabay ng pagtangkilik sa pagpalaganap ng isang wikang
pambansang sa ngayon ay maaaring ang dominanteng hulmahan ay ang
Tagalog, subalit bukas sa pagpasok ng iba pang mga wika upang ito ay
mapagyaman at mapayabong.
At ito rin ang
dahilan kung bakit dapat patuloy na ipagtanggol ang Wikang Filipino, at
panatilihing buhay ang kamalayang iugnay ito sa ating paghubog ng ating
mga Iba’t-ibang identidad. Ito lamang ang sisiguro na hindi malulusaw
ang wika ng mga Pilipino sa mukha ng talamak na pagtangkilik sa Ingles.
Dapat pa ngang makipagtulungan ang mga aktibistang
rehiyonalista sa labang ito, dahil sa iisang panig lang lahat tayo.
Malinaw na kapag mawalan ng lugar ang wikang Filipino sa pagbubuo ng
kamalayang pambansa, mawawalan din ng lugar ang mga wikang rehiyonal na
makapag-ambag sa kabuuan ng kamalayang ito. Sa isang sistemang global,
mawawala at lalamunin tayo sa ating pagkawatak-watak.
Sa kalaunan, hindi naman talaga ang Ingles ang kaaway. Hindi dahil
ginagamit ang Ingles ay mabubura na ang Filipino.
Ang kaaway ay ang mga puwersang nananahan sa puso at isipan ng maraming
Pilipino, na ang iba ay may mga hawak pa nga na posisyon, sa pamahalaan
man o sa pamantasan, na lumilikha ng mga balakid at pumipigil sa
pagpapanatili ng Filipino sa kamalayan ng Pilipino. Ito ang mga taong
pinipilit papiliin ang Pilipino na mag-Ingles o mag-Filipino,
samantalang ang nararapat ay palawakin ang kamalayang Filipino sa mga
Pilipino upang kahit matatas tayong magsalita ng Ingles ay mananatili
tayong matatas magsalita sa Filipino at kung anumang rehiyonal nating
mga wika.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento