Wikang
Filipino
Ang wikang Filipino ang pambansang wika at isa sa mga opisyal na
wika ng Pilipinas—ang Inggles ang isa pa—ayon sa Saligang Batas ng 1987. Isa
itong wikang Awstronesyo at ang de facto
("sa katotohanan") na pamantayang bersyon ng wikang Tagalog,
bagaman de jure ("sa
prinsipyo") itong iba rito. Noong 2007, ang wikang Filipino ay ang unang
wika ng 28 milyon na tao, o mahigit kumulang isang-katlo ng populasyon ng
Pilipinas. 45 milyon naman ang nagsasabing ikalawang wika nila ang wikang
Filipin. Ang wikang Filipino ay isa sa mga 185 na wika ng Pilipinas na nasa
Ethnologue. Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino, ang wikang Filipino ay
"ang katutubong wika, pasalita at pasulat, sa Kalakhang Maynila, ang
Pambansang Punong Rehiyon, at sa iba pang sentrong urban sa arkipelago, na
ginagamit bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo." Ang gustong makamit ng wikang Filipino ay ang
pagiging pluricentric language, o ang wikang may iba't ibang bersyon depende sa
lugar na kung saan ito'y ginagamit. May mga "lumilitaw na ibang uri ng Filipino na hindi sumusunod sa
karaniwang balarila ng Tagalog" sa Davao at Cebu, na bumubuo sa tatlong
pinakamalaking metropolitanong lugar sa Pilipinas kasama ng Kalakhang Maynila.
Noong 13 Nobyembre 1936, inilikha
ng unang Pambansang Asemblea ang Surian ng Wikang Pambansa, na pinili ang
Tagalog bilang batayan ng isang bagong pambansang wika. Naimpluwensiyahan ang
pagpili sa Tagalog ng mga sumusunod:
1. Sinasalita ang Tagalog ng napakaraming tao at ito ang wikang
pinakanauunawaan sa lahat ng mga rehiyon ng Pilipinas. Papadaliin at
pabubutihin nito ang komunikasyon sa mga taumbayan ng kapuluan.
2. Hindi ito nahahati sa mga mas maliliit at hiwa-hiwalay na wika, tulad
ng Bisaya.
3. Ang tradisyong pampanitikan nito ang pinakamayaman at ang
pinakamaunlad at malawak (sinasalamin ang dyalektong Toskano ng Italyano).
Higit na mararaming aklat ang nakasulat sa Tagalog kaysa iba pang mga
katutubong wikang Awstronesyo.
4. Ito ang wika ng Maynila, ang kabiserang pampolitika at pang-ekonomiya
ng Pilipinas.
5. Ito ang wika ng Himagsikan at ng Katipunan—dalawang mahahalagang
pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas.
Noong 1959, nakilala ang wikang
ito bilang Pilipino upang mahiwalay ang kaugnayan nito sa mga Tagalog. Nagtakda
naman ang Saligang Batas ng 1973 ng panibagong pambansang wikang papalit sa
Pilipino, isang wikang itinawag nitong Filipino. Hindi binanggit sa artikulong
tumutukoy, Artikulo XV, Seksiyon 3(2), na Tagalog/Pilipino ang batayan ng
Filipino; nanawagan ito sa halip sa Pambansang Asamblea na mag-“take steps
towards the development and formal adoption of a common national language to be
known as Filipino.” Gayundin, nilaktawan ng Artikulo XIV, Seksiyon 6, ng
Saligang Batas ng 1987, na ipinagbisa matapos ng pagpapatalsik kay Ferdinand
Marcos, ang anumang pagbabanggit ng Tagalog bilang batayan ng Filipino at
mismong ipinagpatuloy na “as [Filipino] evolves, it shall be further developed
and enriched on the basis of existing Philippine and other languages
(pagbibigay-diin idinagdag).” Tiniyak pa ng isang resolusyon[11] ng 13 Mayo
1992, na ang Filipino “ang katutubong wika, pasalita at pasulat, sa Metro
Manila, ang Pambansang Punong Rehiyon, at sa iba pang sentrong urban sa
arkipelago, na ginagamit bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong grupo
(pagbibigay diin idinagdag).” Gayumpaman, tulad ng mga Saligang Batas ng 1973
at 1987, hindi nito ginawang kilalanin ang wikang ito bilang Tagalog at, dahil
doon, ang Filipino ay, sa teoriya, maaaring maging anumang katutubong wikang Awstronesyo,
kasama na ang Sugboanon ayon sa paggamit ng mga taga-Kalakhang Cebu at Davao.
Ididineklara ang buwan ng Agosto bilang Buwan ng Wikang Pambansa
Bagaman naitakda na sa Saligang
Batas at mga kaugnay na batas ang sariling katangian ng Filipino, may
nananatili pa ring mga alternatibong panukala sa kung ano dapat ang maaging
katangian ng wikang Filipino. Gayumpaman, nararapat itong maibukod sa mga
nagdaraing lamang na, sa kasalukuyan, ang Filipino ay de facto na iisa sa
Tagalog at na ang pampublikong paggamit ng Filipino ay sa katotohanan ang
paggamit ng Tagalog.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento