Wikang Filipino, Sagisag ng Pagka-Pilipino
PAGMASDAN mo ang paligid – ayan na ang makukulay na banderitas at iba pang mga kaakit-akit na dekorasyon; isang simbolo ng pagsalubong sa Buwan ng Agosto, ang Buwan ng Wikang Pambansa ng mga Pilipino. Panahon na rin ng pagkabuhay muli ng mga larong Pinoy tulad ng palosebo, piko, patintero, tumbang preso at higit sa lahat ay ang ating pambansang laro, ang sipa.
Ngunit siyempre, hindi mawawala ang salu-salo. Bibingka, suman, puto bumbong, puto’t kutsinta, dinuguan, lechon – ilan lamang ‘yan sa ating mga paboritong Pilipinong pagkain. Subalit ang tunay na bumubuo sa ating salu-salong Pilipino ay ang pagtitipun-tipon ng ating mga mahal sa buhay na kasabay nating kumain. Kahit fishball at sago’t gulaman lamang ang mapagsaluhan, basta’t nandiyan ang ating mga kapamilya at kaibigan, buong buo na ang ating pagdiriwang.
Gayunpaman, sa kabila ng mga nakaugaliang ito, ano nga ba ang dahilan ng ating paggunita sa Buwan ng Wika?
Tuwing Agosto idinaraos ang Buwan ng Wika sapagkat ito ang buwan ng kapanganakan ng Ama ng Wikang Pambansa na si Manuel L. Quezon (Ika-19 ng Agosto) na nagsulong sa paggamit ng wikang Filipino. Sa kapistahang ito, sinasalamin ang kahalagahan ng wika na nagsisilbi bilang ating pagkakakilanlan.
Ang pagkakaroon ng sariling wika ay masasabing katumbas ng pagkakaroon ng sariling mga paa dahil ito ang tumatayong instrumento upang tayo’y magkaunawaan at magkaisa, kung saan ito ang unang hakbang patungo sa kaunlaran. Kung ating babalikan ang kasaysayan ng Pilipinas, maisasalamin ang kahalagahan ng wika sa pagtatanggol ng ating mga bayani sa ating bayan para sa kasarinlan nating mga Pilipino. Kasama na rito ang pagkakaroon natin ng sariling wika na natatangi sa mga banyagang sumakop sa atin. Tunay na mahalagang maipagdiwang ang Buwan ng Wika sapagkat ito ang pagkakataon nating mga Pilipino na maipagmalaki ang sariling atin.
Datapwat hindi natin maikakaila na sa pagdaan ng panahon ay unti-unting nababawasan ang diwa ng ating pagbunyi sa buwan na ito dahil sa patuloy na paglaganap ng impluwensiya sa atin ng iba’t ibang bansa. Sa larangan ng musika at palaro, sa pagkain at pananamit, at kahit sa pananalita, litaw na litaw ang bakas ng mga dayuhan. Nakalulungkot mang isipin, madalas ay mas pinipili pa natin ang kulturang banyaga kaysa sa kultura ng Lupang Sinilangan. Subalit bilang isang mamamayang Pilipino, hindi lamang natin tuntuning payabungin ang ating kultura, sa halip ay utang na loob na rin natin ito sa Inang Bayan na ating pinagmulan at kinagisnan.
Kakatwang isipin na kailangan pa nating mga Pilipino ng okasyon para lamang tangkilikin ang ating wikang Filipino. Tila ito’y isang tumbalik tulad ng ngayo’y ipinaglalabang pagtutol sa batas ukol sa pagtatanggal ng asignaturang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo. Kung tutuusin, hindi na dapat ito nangyayari.
Sana, sa tuwing ginugunita natin ang Buwan ng Wika, ito’y magsilbing paalala sa atin na tayo’y mga Pilipino, at taas-noo nating ipagmalaki ang ating sarili, ang ating wika, ang ating bayan sa isip, sa salita at sa gawa.
“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.” – Gat. Jose Rizal
http://tomasinoweb.org/2014/blogs/wikang-filipino-sagisag-ng-pagka-pilipino.tw
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento